Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nanindigan ang Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Chief PNP, Police General Rommel Francisco D. Marbil na panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo at disiplina sa buong panahon ng halalan sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mandato ng Konstitusyon ukol sa pagiging non-partisan ng kapulisan.

Bilang tugon sa panawagan ng Pangulo para sa malinis, tapat, at kapani-paniwalang eleksyon, agad naglabas si PGen Marbil ng malinaw na direktiba sa lahat ng PNP units sa buong bansa: manatiling apolitical, iwasan ang anumang pahiwatig ng pagkiling sa pulitika, at huwag makilahok sa anumang partisan activity. Ang panuntunang ito ay ipinaabot hanggang sa pinakamalayong police stations, upang ipaalala na ang papel ng kapulisan ay protektahan ang proseso ng halalan—hindi ang impluwensyahan ito.

Mula kampanya, araw ng halalan, hanggang sa post-election duties, buong-loob na tumalima ang PNP sa naturang utos. Walang naiulat na insidente ng partisanship o political bias sa hanay ng kapulisan—isang malinaw na patunay ng kanilang paninindigan na maglingkod ng tapat at walang kinikilingan.

Buong pagmamalaki namang pinuri ni Chief PNP Marbil ang kanyang mga tauhan:

“Ikinagagalak kong ipahayag sa buong bansa, na ang ating mga PNP personnel ay nanatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at sa aking direktiba na manatiling apolitical,” ani PGen Marbil. “Walang sino man ang nasangkot sa anumang political activity. Ginampanan nila ang kanilang tungkulin nang may dangal, propesyonalismo, at pagiging patas. Isa itong malinaw na patunay na ang PNP ay isang matured na institusyon na kayang gampanan ang papel nito sa demokrasya nang walang kinikilingan.”

Dagdag pa niya: “Pinatunayan ng ating kapulisan na sa Bagong Pilipinas, hindi pulitika kundi serbisyo-publiko ang pinanghahawakan natin. At dahil dito, mas lalo tayong pinagtitiwalaan ng taumbayan.”

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng direktiba, pinaigting din ng PNP ang internal monitoring sa pamamagitan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at Internal Affairs Service. Naging matibay din ang koordinasyon ng PNP sa Commission on Elections (COMELEC) at iba pang ahensya upang matiyak ang maayos, ligtas, at mapayapang halalan.

Dahil sa tagumpay na ito, muling pinagtitibay ng PNP ang kanilang paninindigan sa integridad at patas na serbisyo sa bayan, kasabay ng pagsunod sa layunin ng Pangulo na magkaroon ng Bagong Pilipinas—isang bansa kung saan ang mga institusyon ay mapagkakatiwalaan, responsable, at tunay na naglilingkod para sa kapakanan ng mamamayan.

Leave a comment