Nagising ako ngayong umaga na ang nasa isip ay si Typhoon Nando — ang bagyong paparating, ang mga checklist ng paghahanda, ang pag-aalala sa baha, kuryente, at kaligtasan.

Ngunit nakinig ako sa radyo, sa social media at nag-scan ng mga balita, nadiskubre na may isa pang bagyong namumuo — hindi sa kalangitan, kundi sa isang coffee shop sa Club Filipino.

Doon, sa lugar na saksi sa mga makasaysayang pahayag ng mga lider ng bansa, muling umalingawngaw ang galit ni dating Governor Luis “ ManongChavit” Singson.

Isang brewing storm, brewed over coffee and conviction, ang kanyang mga salita laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. Hindi ito ordinaryong batikos — ito’y isang pagsabog mula sa loob, mula sa isang dating kaalyado, mula sa taong minsang nagpabagsak ng isang pangulo.

Ang Club Filipino, na minsang naging entablado ng panunumpa ni dating Pangulong Cory Aquino, ay muling naging saksi sa isang posibleng kaganapan.

Sa kanyang press conference, binatikos ni Chavit ang umano’y ghost projects sa Ilocos Norte, ang polisiya sa West Philippine Sea, at ang paglimot ni PBBM sa mga tumulong sa kanya. Nanawawagan din si Manong Chavit ng peaceful revolution — hindi mula sa mga heneral, kundi mula sa kabataan.

Biglang bumigat ang hangin. Hindi dahil kay Nando, kundi dahil sa alaala ng EDSA II — kung saan si Chavit din ang naging mitsa ng pagbagsak ni dating Pangulong Josep Estrada. Noon, ang kabataan ang sumagot. Ngayon, ang tanong: sasagot bang muli ang mga Gen Z at Alpha?

Sa panahon ng TikTok, livestream, at digital na diskurso, ang isang viral na pahayag ay maaaring maging spark ng kilusan. Sa gitna ng ulan, may mas malalim na pagbaha — hindi ng tubig, kundi ng tanong, ng galit, ng posibilidad.

Ngayong naghahanda tayo sa bagyong pisikal, naghahanda rin ang bayan sa isang bagyong pulitikal. At kung ang Club Filipino ay muling naging entablado ng pagbabago, baka ang susunod na eksena ay nasa lansangan, sa mga paaralan, sa mga screen ng kabataan.

Leave a comment