TRESKANTOS
BY DINDO BELLOSILLO
Sa hinahaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy. Heto na nga, nanumpa na si Senate President Chiz Escudero bilang Presiding Officer ng Senate Impeachment Court na lilitis sa na-impeach na si Vice President Sara Zimmerman Duterte.
‘Yan ay pagkatapos ng napakahabang paliwanagan, palusutan, debate at pagtatangka ng ilan na patayin na lang nang walang paglilitis ang impeachment case ng ikalawang pangulo.
Kung hindi pa nakipag-matigasan ang minorya sa Senado na sina Sen Koko Pimentel at Sen Risa Hontiveros, malamang dumeretso na sa basurahan ang impeachment case ng ikalawang pangulo. Pero, bagaman pumayag na si Escudero na aksiyunan ang impeachment case ni VP Sara, marami pa rin ang bumabatikos sa kanya.
Hindi kasi maiwasan na pagdudahan ang mga ‘galawan’ni SP matapos niyang ilagay sa balag ng alanganin ang pinaghirapan ng mga representante ng taumbayan sa kamara. Ginawa pang dahilan ni Escudero ang aniyaý pag-antala ng Mababang kapulungan sa pagpasa ng articles of impeachment sa Senado.
Wala raw karapatan ang Kamara na madiliin ang Senado na aksiyunan ang impeachment case ng ikalawang pangulo. FYI, Mr. SP, mukhang nagkakamali kayo ng basa o sinasadya nyong iligaw ang taumbayan sa katwiran niyong mababaw? Malinaw sa Saligang Batas, na kapag natanggap na ng Senado ang Articles of Impeachment mula sa Mababang Kaplungan, dapat itong aksiyunan “forthwith” ng upper chamber.
Samakatuwid, hindi ang kamara, hindi ang house speaker, hindi ang kung sinumang Poncio Pilato ang nag-uutos sa inyo na umaksyon agad-agad, kundi ang Konstitusyon mismo. Ipinasa man ýan ng Kamara sa pinakahuling oras bago mag-adjourn ang Kongreso, wala kayong magagawa kundi aksiyunan iyon.
Dahil ‘yan ang iniuutos ng Konstitusyon. Kaya, wag nang maghanap ng palusot kung alam naman na wala ng lusot.
Kung seryoso ang mga Senador sa kanilang tungkulin, kailangan nilang tapusin ang paglilitis at bumoto sang-ayon sa mga ipiprisintang ebidensiya ng magkabilang panig.
Kailangan ng hustisya, hindi lamang ng Sambayang Filipino na naargabyado, kundi maging sa nasasakdal na ikalawang pangulo. Naka-abang ang taumbayan lalo’t lumalabas sa pinakahuling Survey ng Octa Group, 78 percent ng mga Filipino ang interesadong masaksihan ang pagliltiis kay VP Sara.
Tapusin na ang drama, itigil na ang mga palusot, ituloy-tuloy na ang proseso para magkaalaman kung totoong may Hudas sa gobyerno.

Leave a comment