By DINDO BELLOSILLO
ANG IMPEACHMENT CASE NI INDAY SARA
Handa na ba ang lahat? Excited, Curious o wala lang? Marami ngayon ang nagkakanya-kanya na ng hula kung makakakuha ng numero o hindi ang nagpapa-impeach kay VP Sara.
Kung titingnan nga naman ang komposisyon ngayon ng Senado na magsisilbing Senator-Judges, abaý malabong makakuha ng numero ang conviction. Siyam lang na Senador ang kailangan para tuluyang mabalewala ang kaso laban sa ikalawang pangulo.
Malinaw naman na may tinatawag na “Duterte Bloc” sa Senado na pinangungunahan nina Senador Ronald ‘bato’ Dela Rosa, Robinhood Padilla at Christopher ‘bong’ Go. Nandiyan din sina Presidential sister Imee Marcos na sanggang-dikit ni Inday Sara at ang magkapatid na sina Mark at Camille Villar at siyempre, ang INC member na si Rodante Marcoleta.
Eh paano naman si Sen. Alan Peter Cayetano na naging DFA Secretary nuong panahon ni Digong at siyempre hatak din niyan si Senador Pia. Meron pang Jingoy Estrada na una nang naghayag ng pagkontra sa inihaing impeachment kay Bise Presidente.
Hindi rin maaring i-menos si Sen. Lito Lapid na malapit sa maimpluwensiyang si Aling Gloria ng Pampanga na kilalang kakampi rin ng mga Duterte sa Kamara.
Sa numerong ito, mistulang tapos na ang palabas, bago pa man magsimula.
Sa inaabangang impeachment hearing, tiyak na may ilang Senador na makikiramdam din sa magiging takbo ng paglilitis kay VP Sara. Make or break ika nga sa political career nila ang magiging desisyon sa impeachment hearing na gaganapin sa pagbubukas ng bagong Kongreso.
Huwag natin kalimutan ang naging resulta ng nagdaang eleksiyon kung saan nanguna ang mga Senador na kilalang malalapit sa mga Duterte. Maging ang campaign manager ng administration ticket aminado na nahirapan silang makakuha ng boto sa Mindanao dahil sa isinulong na impeachment case laban sa Ikalawang Pangulo. Mistulang nagkaroon nga ng sympathy vote kaya halos mabokya ang mga kandidato ng Pangulo sa Mindanao.
Sa kabilang banda, may pagkakataon pa naman ang prosekusyon na patunayan ang bigat ng umanoý pagkakasala ng Ikalawang Pangulo. Nakadepende sa presentasyon at ebidensiyang ihaharap sa paglilitis ang magiging takbo ng mga pangyayari. Kailangan makumbinsi hindi lang ang mga Senator-judges, kundi maging ang nakararaming Filipino na dapat ngang ma-convict ang ikalawang pangulo.
Totoong mahirap baligtarin ang simpatya ng mga maka-Duterte lalo na sa Visayas at Mindanao. Pero, hindi naman imposible na may magbago rin ng pananaw sakaling magsilitawan na ang mga ebidensiyang ngayon pa lang natin masisilayan.
Tandaan, political at hindi judicial process ang impeachment hearing. Sa ilan, in aid of reelection ang magiging desisyon nila. Dahil maaring ito ang maging dahilan ng pagbagsak o pag-angat nila sa susunod na eleksiyon.

Leave a comment